Ang pag-inom ng alak ay isang nakatutuwang gawain para sa karamihan ng tao, Ito ay nagdudulot ng kaligayahan sa mga pagtitipon lalo na sa mga kabataan. Nakakapagpa-relax ang alcohol sa ating mga pakiramdam kapag tayo ay napapagod sa maghapong trabaho. Sa karamihan, ito ay isang mabuting kaibigan na nakapagbibigay ng satisfaction sa kanilang mga katawan at damdamin.
Marami pang maidadagdag na dahilan kung bakit ang alak ang pinakapopular sa ating mundo. Ang mga dahilang ito ang siyang nagpapahirap sa isang tao na nalulong dito upang tumigil na at manatiling hindi tumitikhim ng alak. Paano mo maititigil ang isang gawain na nagdudulot sa iyo ng kaiga-igayang saya at itinuring mong isang kaibigan?
Ngunit kapag ipinagpatuloy mo ang isang bisyo at labis sa itinakda ang iyong pag-inom, maaari kang maging alcoholic. At ang maaaring masira ng isang alcoholic ang kanyang buhay at ang buhay ng kaniyang mga minamahal.
Ngunit ano nga ba talaga ang alcoholism?
Ang kondisyong ito ay isang hindi pangkaraniwang sitwasyon na tinatawag ng mga espesyalista bilang isang sakit. Nakaaapekto ito sa mga bahagi ng utak na kumokontrol naman sa ating emosyonal at sikolohikal na aspeto. Ang mga taong nakararanas ng alcoholism ay hindi mokontrol ang kanilang konsumo ng alak kung kaya labis sa itinakdang dami ang kanilang naiiinom. At sa katagalan ng pag-abuso sa mga nakalalasing na inumin, unti-unting nagiging habit ito at nauuwi sa alcohol addiction.
Maraming aspeto ang isinasaalang-alang upang malaman ang ugat ng ganitong sakit. Ang mga tao ay may iba’t ibang kalagayan at kondisyon kung kaya’t iba’t iba rin ang maaaring maging dahilan ng sakit na ito. Sa alinmang sitwasyon, lubusang malalaman ang dahilan ng pagkakalulong sa alak kung susuriing mabuti ng isang espesyalista ang pisikal, emosyonal at sikolohikal na katayuan ng isang tao upang maunawaan ang mga ugat na maaaring naging sanhi ng alcoholism.
Hindi rin madaling malaman kung ang isang tao ay may sakit na alcoholism. Sapagkat maraming dahilang ang kaakibat nitong dahilan, ang pagtingin sa pagkakaroon nito ay maaaring dapat ding tingnan sa iba’t ibang antas.
Ang isa sa paraan upang malaman na ikaw ay isang alcoholic ay ang mahirap na karanasan ng paghinto ng pag-inom. Kung nahihirapan ka na itigil ang isang bisyo gaya ng alak at sigarilyo, maaaring lulong ka sa mga ito at hindi madali ang pagtigil. Maraming tao ang umiinom din kagaya mo ngunit kaydali nilang maihinto ito sa anumang oras at panahon. Ang isang tao na nahihirapan na mabuhay na wala ang alak ay may alcoholism at nangangailangan ng gamutan upang gumaling at makaalis sa kondisyong ito.