How to Deal with Alcohol Addiction

Sa makabagong panahon, maaaring ituring na ang alcohol ang isa sa pinaka-inaabusong kemikal at isa sa pinakapalasak na dahilan ng isang addiction ng maraming mga tao. Ang sakit na alkoholismo ay itinuring na laganap sa buong mundo at ang mga problemang ito ay lalo pang lumalala sa pagdaan ng maraming panahon. Ngunit magkagayunman, marami na ring nakalap at nahanap na mga gamot at paraan upang mapaglabanan ang alcoholism at matulungang magkaroon ng isang mas malusog na buhay sa kasalukuyan ang mga alcoholic.

Maraming programa na napatunayang mabisa kung ang paglaban sa alcohol addiction ang pag-uusapan. Patuloy ang pamahalaan sa paghahanap ng mga alternatibo at makabagong gamot kasama ang mga mabisang paraan upang matulungan ang mga taong nalulong sa ganitong mga bisyo. Apektado man ng napakaraming hadlang gaya na lamang ng kakulangan sa pondo ang ating pamahalaan, ginagagawa pa rin nila ang mga kaukulang hakbangin upang masagip ang mga taong talamak sa pag-inom ng alak. Mayroon din mga pribadong ahensiya at organisasyon na handang tumulong at maglahad ng bukas na palad sa mga pamilya ng mga taong naging gumon sa alak at iba pang mga bisyo.

Ngunit lagi nating isipin na ang mga tulong at programang inilalatag sa isang alcoholic ay hindi maaaring magtagumpay kung hindi handa ang isang indibidwal na sumailalim sa mga ganitong gamutan. Kahit anong bisa at kahit na anong epektibo ng kahit na anong programa o sistema na isasagawa sa isang taong lulong sa alak ay mawawalan lamang ng saysay kung hindi naman bukas ang loob ng isang alcoholic na sumunod sa mga ito. Ang unang hakbang upang lubusang maihinto ang labis na pagkahaling sa nakalalasing na inumin ay ang kahandaan at pagpayag na sumailalim sa anumang gamutan, programa at procedures na dapat gawin. Ito ang mga dapat na maunang maihanda sa isip at damdamin ng isang tao upang mapaglabanan ang anumang mabigat at malakas na bisyo. Kung sapat ang kahandaan at kusang loob ang pagsunod, makaaalis sa anumang bisyo kahit na gaano man ito katagal na namalagi sa sistema ng isang tao.

Ang isa pang dapat na taglayin ng isang tao na ibig huminto sa pag-inom ay ang pagkaunawa sa anumang programang inilalatag sa kanyang harapan. Dapat lamang na maintindihan niya ang mga detalye ng gagawing gamutan sa kanya upang hindi siya mabigla sa anumang darating. Sa ganito ring pagkakataon, maihahanda niya ang kanyang sarili, katawan at isipan. Taglayin ang lahat ng mga kinakailangang aral o lessons kung paano ganap na mapagwawagian ang alcoholism upang malaman ang mga dapat gawin sa anumang oras at panahon.

Kung kinakailangan na sumailalim sa mas matinding gamutan, ipaliwanag na dapat pumasok sa isang hospital o rehabilitation center upang mabigyan ng lunas ang anumang paskakit at paghihrap na dinaranas. Maraming programa ang maaaring magawa sa isang hospital na may mga doctor at nars na nakaantabay. Maiiwasan sa ganitong paraaan ang pagkalantad sa mga mas malalang kondisyon at matitiyak ang mabisang paggaling.

Karamihan din sa mga alcoholic ay nangangailangan ng mga gamot na makapagpapababa sa alcohol withdrawal symptoms. Sa rehabilitation center, mababawasan ang anumang paghihirap na nararamdaman sa pamamagitan ng mga gamot na pampakalma at pampatulog.