Sa paghahanap ko ng mga paraan upang malunasan ko ang aking problema sa labis na pag-inom ng alak, maraming personal blogs at websites akong nabasa at nakita na nakatulong sa akin upang makapagbago. Ang mga blogs na ito ay sinadya kong hanapin upang maging gabay ko habang ako ay nasa proseso ng paghinto. Inaamin ko, ang pagbabasa lamang sa kanila ang una kong naging hakbang upang makaiwas sa alcohol at makaiwas sa mas malalang kondisyon sa hinaharap. Natutuwa ako sa ngayon at bilang pagganti ng kabutihan sa kapwa, nais ko ring ibahagi ang mga natutunan ko sa mga blogs na ito. Ipinapayo sa mga magbabasa dito na pakasuriing mabuti ang nilalaman nito at kumonsulta sa isang espesyalista upang hindi madagdagan ang mga problema sa kalusugan.
May isang pagkakatulad ang mga blog na ito. Nagbibigay sila ng mga payo at rekomendasyon sa isang tao na naghahanap ng mga paraan upang masolusyunan ang kanilang alcohol addiction. Ang isa sa kanilang ipinapayo, at lagi kong nababasa sa tuwing may madaraanan akong website ay ang pagtanggap sa puntong mayroon akong mga desisyon at gawain sa nakaraan na nagdulot ng mga problema sa kasalukuyan na dapat ko ngayong harapin. Tama lamang, na dahil ako ang may kasalanan sa mga nangyari, nagyayari at mangyayari pa sa aking buhay, dapat ko ring tanggapin ang katotohanan na ako ang may kasalanan kung mayroon mang problema ngayon.
Sinunod ko ang payo ng pagtanggap. Kung susuriin ko ngayon, ang pagtanggap na ito ang nakapagpaluwag sa aking dibdib, daan upang hindi ako magmatigas pa na kailangan ko na ngang huminto sa pag-inom. Ito ang susi na nagbukas sa aking isipan sa mga kasalanang nagawa ko sa nakaraan. Ito rin ang dahilan kung bakit ko nalaman ang mga ugat nito at siyang naging instrumento upang mabunot ang mga ito. Sa pagbubunot mo ng ugat ng mga kasalanang ito, siya ring sandali na tila binubunot mo ang mga problema na umusbong dahil dito.
Sa sandaling tinanggap ko ang aking mga pagkukulang at pagkakamali, natanggap ko rin na kailangan akong kumilos upang makahanap ng mga paraan upang maitigil ko na ang mga maling gawain. Alam kong magdudulot lamang ito ng mas marami at malalaking problema sa kinabukasan at maaaring magdamay ng ibang tao na walang kinalaman.
Sa ngayon, natutuwa ako at ang pagtanggap ang una kong ginawa noon. Dahil alam kong ang pagbabago, nagmumula sa loob. Dito sa puso. At kung maluwag mong tatanggapin sa iyong sarili ang mga pagkakasala, maluwag din namang mabibigyan mo ng solusyon ang mga problema.